Gilas Men 3x3 may misyon sa Kazakhs
MANILA, Philippines — Puntirya ng Gilas Pilipinas Men’s 3x3 Team na masungkit ang quarterfinal spot sa pagsagupa nito sa Kazakhstan sa 2026 Asian Games sa Kinjo Futo Station Square sa Nagoya, Japan.
Nakatakda ang laban ng Gilas at Kazakhstan sa alas-12:15 ng hapon.
Hawak ng Gilas Pilipinas ang 2-0 rekord sa Pool A upang matatag na kapitan ang solong pamumuno.
Ginulantang ng Gilas Pilipinas ang Asian No. 1 Mongolia sa iskor na 19-12 at Sri Lanka sa pamamagitan ng 21-12 panalo.
Kung mananalo ang Gilas sa Kazakhstan, awtomatiko itong papasok sa quarterfinal knockout stage.
Galing ang Kazakhstan sa kabiguan sa Mongolia para malaglag sa 1-1 marka.
Nauna nang tinalo ng Kazkhstan ang Sri Lanka.
Mangunguna sa ratsada ng Gilas Pilipinas si Nic Cabañero ng Biñan Tatak Gel sa Maharlika Pilipinas Basketball League.
Mainit si Cabañero nang magtala ito ng pitong puntos laban sa Mongolia at walong puntos kontra sa Sri Lanka.
Kasama ni Cabañero si University of Santo Tomas standout Koji Buenaflor, at sina Doy Dungo at Luis Pablo ng La Salle.
“Dito sa 3x3, anybody can beat anyone, so we consider everyone a threat,” ani Pablo.
Nais ng Gilas na makabawi sa 3x3 matapos mabigo ang Pinoy cagers na madepensahan ang korona nito sa 5x5 event.
Nalaglag ang Gilas sa 5x5 group stage nang lumasap ito ng masaklap na 61-105 kabiguan sa kamay ng China.
- Latest





















