Chiefs umeskapo sa Generals
MANILA, Philippines — Dumaan sa butas ng karayom ang Arellano University bago nila nasilo ang 91-87 panalo kontra Emilio Aguinaldo kagabi sa NCAA Season 102 men’s basketball tournament na nilaro sa FilOil Centre sa San Juan kahapon.
Nahirang na Best Player of the Game si T-MC Ongotan matapos ipinta ang 26 points, limang rebounds at tatlong assists para akbayan ang Chiefs sa tuktok ng team standings tangan ang 2-0 record.
Balikatan ang labanan ng dalawang koponan sa unang dalawang periods kung saan ay lamang ng tatlo ang Chiefs, 47-44 sa halftime break.
Sina Ongotan at Sebastian Valencia ang kumakana sa opensa para sa Arellano sa first half.
Pumabor ang bola sa EAC sa third canto, naagaw nila ang bentahe, 70-68 papasok ng fourth quarter.
Ngunit malakas na sinimulan ng Generals ang payoff period matapos magtala ng back-to-back baskets at hawakan ang six-point lead, 74-68.
Hindi basta bumigay ang Arellano sinikap nilang makadikit upang hindi makalayo ang EAC.
Tangan ng Generals ang tatlong puntos na lamang, 84-81 subalit pumukol ng tres si Ongotan upang itabla ang iskor sa 84 may 3:10 minuto pa ang nalalabi sa fourth quarter.
Nabawi ng EAC ang abante, 87-85 subalit nagsalpak na naman ng pandiin na tres ang Arellano mula kay Valencia para naagaw muli ng AU ang lamang 87-88 may 40 segundo pa sa oras.
Muling umiskor ng paselyong puntos si Ongotan pagkabalik ng bola sa kanila, isang mahirap na fade away ang kinana nito para hawakan ang tatlong puntos, 90-87 may 12 segundo na lang sa orasan.
Hindi naman na naka puntos ang Generals kaya nalasap nila ang pangalawang sunod na kabiguan.
Samantala, nagwagi ang Jose Rizal University sa College of Saint Benilde, 73-69 upang upuan ng una ang tuktok ng Group A tangan ang 2-0 karta.
Bumida sa opensa para sa JRU si Lawrence Mangubat na nagtala ng 20 points at siyam na rebounds para ipalasap sa Blazers ang unang talo sa dalawang salang.
- Latest

















