EDITORYAL - No ID, No Facebook?
KAMAKAILAN, hinikayat ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang kompanyang Meta na i-require ang National ID sa verification ng Filipino users ng Facebook, Instagram at iba pang platforms nito. Layunin nitong gawing mas madaling matukoy ang mga gumagamit ng social media para sa scams, cybercrime at iba pang ilegal na gawain.
Maganda ang layunin. Matagal nang problema ang fake accounts at mga taong nagtatago sa anonymity para manloko, mang-harass o gumawa ng krimen online.
May safeguard din naman sa panukala. Hindi umano direktang makikita ng Meta ang personal information na nasa database ng Philippine Statistics Authority (PSA). Itsi-check lamang kung tugma ang identity ng isang user at sasagot ang PSA ng “match” o “no match.”
Pero bago ito gawing requirement, may dalawang malaking usaping kailangang sagutin.
Una ay privacy. Mula pa noong ipasa ang National ID law noong 2018, may pangamba na tungkol sa posibilidad ng data breach at maling paggamit ng napakaraming personal at biometric information na hawak ng gobyerno. Ang tanong noon ay simple: kaya ba talaga itong protektahan?
Mas sensitibo ang usapin ngayon dahil social media na ang pag-uusapan. Hindi lahat nang gumagamit ng anonymous accounts ay kriminal. May mga taong ayaw lamang ilantad ang tunay na pangalan dahil sa trabaho at seguridad.
Ikalawa, hindi pa lahat ng Pilipino ay mayroong National ID. Ayon sa ulat ng PSA noong 2025, mahigit 90 milyong Pilipino ang successfully registered at verified, katumbas ng halos 80 porsiyento ng populasyon. Ibig sabihin, milyun-milyon pa rin ang walang National ID.
Kung magiging mandatory ang National ID verification sa social media, ano ang mangyayari sa mga wala pang National ID? Hindi dapat mawalan ng access ang isang lehitimong user dahil lamang wala pa siya nito.
Hindi kailangang ibasura agad ang proposal. Maaari itong makatulong laban sa scams, cybercrime at online abuse.
Pero bago itali ang ating social media accounts sa government-issued identity, kailangang tiyakin muna ang dalawang bagay: may ID na ba ang lahat at protektado ba ang privacy ng mga mamamayan dito.
Sa paglaban sa mga kriminal online, hindi dapat ordinaryong Pilipino naman ang mawalan ng access, o ng seguridad sa kanyang identity.
- Latest















