Dagdag pondo sa OFWs suportado

MANILA, Philippines — Suportado ni TRABAHO Party-list Rep. Johanne Bautista ang kahilingan ng Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) para sa dagdag na pondo upang matiyak ang tuloy-tuloy na proteksyon at serbisyo sa Overseas Filipino Workers (OFWs), lalo na sa panahon ng krisis.
Noong 2026 budget hearing, tumayo si Bautista bilang House Budget Sponsor ng DMW, OWWA, at Commission on Filipino Overseas, kung saan inaprubahan ng Kamara ang P10.2 bilyon para sa proteksyon at serbisyo sa migrant workers.
Sa panukalang Fiscal Year 2027 budget, sinuportahan din ni Bautista ang dagdag na P1 bilyon para sa DMW AKSYON Fund, na ginagamit para sa financial, medical, legal, welfare at repatriation assistance sa OFWs.
Kasama rin sa kanyang suporta ang pagbabalik sa hindi bababa sa P1.2 bilyon na OWWA Emergency Repatriation Fund (ERF) mula sa P900 milyon na nakapaloob sa National Expenditure Program (NEP), gayundin ang karagdagang P575 milyon na hinihingi ng OWWA.
Batay sa datos hanggang Hulyo 31, nakapagsilbi na ang ERF sa 139,688 OFW clients, at inaasahang aabot sa 240,000 hanggang 250,000 ang bilang ng mabibigyan ng serbisyo bago matapos ang taon.
Binigyang-diin ni Bautista na kailangang sapat ang pondo dahil maaaring mabilis na lumaki ang pangangailangan sa tulong kapag may krisis. “Direktang napapakinabangan ng mga OFW ang dagdag na pondo sa AKSYON Fund,” aniya.
- Latest

















