Himala: Kapatid gumaling sa sakit! (Part 16)
DAHIL maaga pa naman, alas nuwebe lamang ng umaga, dumaan ako sa simbahan ng Loreto sa Bustillos St. para magsimba. Kung wala na akong aabutang misa, magdadasal na lamang ako ng pasasalamat para sa Mahal na Birhen ng Fatima. Ang alam ko, hanggang alas sais lamang ng umaga ang misa sa simbahan ng Loreto.
Sumakay na ako ng dyipni para mabilis makarating sa simbahan. Mga kalahating oras ding lakarin ang simbahan mula sa kinaroroonan ko.
Pagdating ko sa simbahan, may mangilan-ngilang tao sa loob at nagdarasal. Tapos na ang misa.
Ilang beses na rin akong nakasimba sa kakambal na simbahan ng St. Anthony na ilang hakbang lang ang layo sa Loreto Church.
Lumuhod ako at nagdasal para kay Hesus at sa Birhen ng Fatima. Taimtim na taimtim ang panalangin ko sa Mahal na Birhen. Walang hanggan ang pasasalamat ko sa pinagkaloob niyang tulong para sa aming magkapatid.
Sa tindi ng pasasalamat ko sa Birhen, tumulo ang aking luha. Salamat po Mahal na Birhen at hindi mo kami pinabayaan. Napakabuti mo.
Malapit nang mag-alas diyes nang umuwi ako sa bahay.
“Ba’t ang tagal mo Ate?”
“Dumaan ako sa simbahan.”
“Akala ko kinuha mo ang result ng 2D Echo ko.”
“Bukas ko kukunin.” (Itutuloy)
- Latest




















