ICC: Ebidensiya vs Duterte ilatag na

MANILA, Philippines — Iniutos na ng pre-trial chamber ng International Criminal Court (ICC) na simulan ang “disclosure of evidence” o paglalatag ng mga ebidensya sa kasong kinakaharap ni dating pangulong Rodrigo Duterte.
Iniulat ng One News na nakasaad sa 7-pahinang utos na may petsang Marso 21, inutusan ng ICC Pre-Trial Chamber I ang ICC prosecutor na magbigay ng mga obserbasyon at tumugon sa ilang tanong na may kaugnayan sa ebidensya at mga testigo na balak nitong iharap laban kay Duterte.
Gagawin ang pagdinig ng kumpirmasyon ng mga kaso laban kay Duterte sa Setyembre 23.
Ayon sa ulat, sinimulan na ng mga pre-trial judges ng ICC ang proseso sa paghahayag ng mga mahahalagang impormasyon.
Ang direktiba ay naaayon sa tinatawag na “disclosure of evidence,” na titiyak na ipinabatid sa suspek ang mga ebidensiya na balak na gamitin ng prosekusyon sa susunod na pagdinig.
Inutusan ang prosecutor na sagutin ang 15 tanong kabilang na ang impormasyon kung ilan ang bilang ng mga nakasulat na ebidensiya, mga nakasulat na testimonya at mga recordings, photos at videos na nais nilang isumite.
Ipinasusumite rin ng mga judges sa prosecutor ang general information ng mga testigong ilalabas nila at kung plano ng mga ito na humiling ng anonymity ng sinumang potensyal na saksi o hindi.
Bagaman at kinikilala ng mga judges na ang posisyon ni Duterte kaugnay sa mga bintang sa kanya ay nakasalalay sa mga ebidensiyang ipapakita ng prosekusyon, sinabi rin ng mga ito na upang maging patas ay iimbitahan din ang defense team upang magbigay ng obserbasyon at sumagot sa mga preliminary questions.
- Latest