Negros Oriental isinailalim sa state of calamity
MANILA, Philippines — Nagdeklara na rin ng state of calamity ang Negros Oriental bunga ng matinding epekto sa patuloy na pag-aalburoto ng Kanlaon volcano.
Ito’y makaraang aprubahan ang isang resolusyon na nagdedeklara ng state of calamity ng Sangguniang Panlalawigan base sa rekomendasyon ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC).
Una nang nagdeklara ng state of calamity ang Negros Occidental bunga ng pinsalang tinamo ng mga bayan nito sa palibot ng 6km radius permanent danger zone (PDZ).
Sa ulat kahapon ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), nagtala ang Mt. Kanlaon ng 9 na pagbuga ng abo na may tatlo-76 minuto ang haba at 26 na volcanic earthquakes kabilang ang 9 volcanic tremors.
Ayon sa Phivolcs, nagluwa rin ang bulkan ng 7,079 tonelada ng asupre at 300 metrong taas na makapal na pagsingaw. Patuloy na pamamaga ng bulkan kaya’t inererekomenda pa rin ng Phivolcs ang paglikas ng sinuman sa mga lugar na nasa loob ng 6-kilometer radius mula sa tuktok ng bulkan. Mahigpit ding ipinagbabawal na magpalipad ng anumang aircraft malapit sa tuktok ng bulkan.
Nananatili sa alert level 3 status ang bulkang Kanlaon.
- Latest