Christmas deadline? Impeachment trial ‘wag madaliin - Gatchalian

MANILA, Philippines — Bagama’t umaasa si Senate President Sherwin Gatchalian na matatapos bago mag-Pasko ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte, iginiit nitong hindi dapat isakripisyo ang maayos na proseso alang-alang lamang sa deadline.
“Well, ako personally, I am hoping na before Christmas matapos dahil nga mas maganda na bago mag-Pasko, bago tayong mag-celebrate ng Christmas, matapos ito. At the very least before the New Year,” ani Gatchalian.
Gayunman, sinabi niyang kailangang manatiling flexible ang Senate Impeachment Court dahil maraming hindi inaasahang pangyayari sa gitna ng paglilitis, lalo na sa presentasyon at pagtatanong sa mga testigo.
Ayon sa kanya, may mga pagkakataong inaasahang matatapos sa loob lamang ng isang araw ang testimonya ng isang testigo ngunit umaabot ito ng dalawa o tatlong araw. Mayroon ding mga pagkakataong naaantala o naiuurong ang pagharap ng testigo kaya bumibilis naman ang takbo ng pagdinig.
“So meron kaming mga idea in terms of the number of days but we remain flexible para maging efficient ‘yung takbo ng trial,” dagdag pa niya.
Binigyang-diin din ni Gatchalian na mahalagang mabigyan ng sapat na pagkakataon ang depensa na mailahad ang kanilang panig.
“At nakita natin ang pagbibigay ng leeway sa defense nitong linggong ito as per their request. So ito ay isang malaking trabaho rin,” aniya.
Inaasahan din niyang maghahain pa ang depensa ng anim hanggang walong testigo sa mga susunod na pagdinig.
Kabilang sa mga inaabangan ang paliwanag sa umano’y pagkakaiba sa iniulat na benta ng Cale88 at sa mga remittance na nakasaad sa ulat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC).
Nakatakdang magpatuloy ang impeachment trial sa Disyembre 1 matapos pansamantalang suspendihin ang mga pagdinig mula Nobyembre 23-30, kasunod ng abiso ng depensa na hindi available ang ilan nilang mga testigo sa Nobyembre 26 at 27.
- Latest





















