Parak nandakma ng ‘wetpaks’ sibak

MANILA, Philippines — Sinibak na sa puwesto ang isang pulis na inireklamo ng ‘act of lasciviousness’ makaraang masangkot sa panghihipo ng puwet sa isang babaeng bumibili sa isang sari-sari store sa lungsod ng Caloocan.
Base sa report ni Northern Police District (NPD) Director P/Brig.Gen. Benliner Capili, ang sinibak na parak ay may ranggong Police Master Sergeant at kinilala sa alyas na “Jayjay.”
Samantalang pinaiimbestigahan din ni Capili kay Caloocan City Police Chief P/Col. Joey Goforth ang mga pulis na nakatalaga sa Bagumbong Police Sub Station kaugnay umano ng kapabayaan, pagpalpak sa pagsisiyasat o kakulangan sa pagtugon na aksiyunan ang mga reklamo ng mga biktima sa nasabing himpilan.
Sa imbestigasyon, kabilang dito ay ang reklamo sa insidenteng nangyari noon pang Setyembre 8, 2026 bandang alas-8:20 ng gabi sa isang sari-sari store sa Brgy. 171, Bagumbong na nakunan pa sa CCTV habang hinihipuan ng bastos na parak sa puwet ang nagrereklamong biktima.
Inihayag ni Capili na lahat ng reklamo na kinasasangkutan ng mga pulis ay nararapat lang na seryosong bigyan ng atensiyon at aksiyunan nang mabilis batay sa makakalap na ebidensiya na naaayon sa batas, panuntunan, at regulasyon.
Gayunman, hindi umano inaksyunan ng nasabing himpilan ang reklamo laban sa kapwa parak ng mga ito kaya’t nagdesisyon ang biktima na dumulog sa isang kilalang television network at doon magreklamo.
Sa kasalukuyan, isinailalim na sa restrictive custody si alyas P/Master Sergeant “Jayjay” na nahaharap sa kasong kriminal at administratibo. Kabilang dito ay ang grave miscounduct, acts of lasciviousness, at paglabag sa Safe Spaces Act o ang mas kilala bilang Anti-Bastos Law.
- Latest


















