Presyo ng petrolyo, may taas-baba sa susunod na lingo

MANILA, Philippines — May inaasahang magkahiwalay na galaw sa presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa sa susunod na linggo, kung saan posibleng tumaas ang gasolina at kerosina habang muling bababa ang presyo ng diesel.
Ayon kay Department of Energy (DOE) Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad, maaaring tumaas ng hanggang P1.50 kada litro ang presyo ng gasolina at hanggang P2 kada litro naman ang kerosina, batay sa pinakahuling galaw ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Samantala, posibleng bumaba ng hanggang P1 kada litro ang presyo ng diesel. Sinabi ni Abad na nakabatay ang naturang pagtataya sa average movement ng international oil prices sa unang apat na trading days.
Ayon naman sa isang oil industry source, batay sa Mean of Platts Singapore (MOPS) at foreign exchange averages, maaaring bumaba ng P0.50 hanggang P0.80 kada litro ang diesel, habang posibleng tumaas ng P1.50 hanggang P1.80 kada litro ang gasolina.
Gayunman, maaari pang magbago ang mga naturang pagtataya depende sa galaw ng pandaigdigang merkado at mga geopolitical developments. Inaasahang iaanunsiyo ng DOE at mga kompanya ng langis ang pinal na adjustment sa presyo sa Lunes, na ipatutupad simula Martes.
- Latest

















