PCG, pinalayas ang Chinese research ship malapit sa Batanes
MANILA, Philippines - Isang patrol vessel at isang aircraft ang dineploy ng Philippine Coast Guard (PCG) nitong Huwebes upang itaboy ang isang Chinese research vessel, na hinalang nagsasagawa ng hindi otorisadong marine scientific research sa karagatang sakop ng Itbayat, Batanes.
Ayon kay PCG spokesperson for the West Philippine Sea (WPS) Rear Admiral Jay Tarriela, ang Jia Hai Ke 7 ay nagsasagawa ng unauthorized marine scientific research sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas ng walang pahintulot.
Sinabi ni Tarriela na ang Jia Hai Ke 7 ay nag-o-operate sa karagatan, may 37 nautical miles hilagang kanluran ng Itbayat, simula pa nang makumpirma ng PCG ang presensiya nito noong Setyembre 28.
Ani Tarriela, dakong alas-7:55 ng umaga nang lapitan ng BRP Teresa Magbanua ang barko ng hanggang nasa 100 yarda ang layo at nag-deploy ng isang rigid-hull inflatable boat (RHIB), na nagpaikot-ikot sa Chinese vessel.
Paulit-ulit din umanong nagmaniobra ang Jia Hai Ke 7 upang iwasan ang mga Philippine units habang patuloy itong pinapadalhan ng radio challenge ng BRP Teresa Magbanua.
Sa kasagsagan ng operasyon, dumating din ang China Coast Guard (CCG) vessel 2503 sa lugar at paulit-ulit ding nagpadala ng radio challenges sa BRP Teresa Magbanua.
Kaagad namang binuntutan ng barko ng Pilipinas ang CCG-2503 ng may 1,000 yarda habang pinapanatili ang posisyon malapit sa Chinese research vessel.
Binigyang-diin ni Tarriela na ang pagkasangkot ng isang CCG vessel ay mahalaga dahil ang Jia Hai Ke 7 ay privately owned.
Pasado alas-12:00 ng tanghali ay tuluyan nang umalis ang naturang Chinese research vessel sa lugar.
- Latest


















