Open spaces sa Quezon City, ginawang flood control facilities
MANILA, Philippines — Ginawang flood control facilities ang mga open space tulad ng Quezon Memorial Circle Open Field at lagoon sa Quezon City Hall na nagsisilbing imbakan ng sobrang tubig-ulan.
Ayon kay Mayor Joy Belmonte, ang 12,000-square-meter QMC Open Field ay may retention pond, detention tank, at basin na kayang sumalo ng hanggang 1,119.5 cubic meters ng tubig mula sa parke at ilang bahagi ng Elliptical Road.
Samantala, ang lagoon sa City Hall complex ay may kapasidad na mag-imbak ng hanggang 13,050 cubic meters ng tubig. Ang nakolektang tubig-ulan ay muling ginagamit sa mga programa ng lungsod tulad ng greening initiatives at paglinis ng mga pasilidad.
Sinabi ni Belmonte na bahagi ito ng QC Drainage Master Plan kung saan ginagamit ang mga green space bilang natural na solusyon sa pagbaha habang nagbibigay rin ng lugar para sa mga aktibidad ng komunidad.
Aniya, ipinapakita ng mga proyekto na ang mga parke at iba pang open space ay maaaring magsilbing proteksiyon laban sa pagbaha at makatulong sa pagbuo ng mas ligtas at mas matatag na lungsod.
- Latest























