Mototaxi rider, tinodas ng pasahero

MANILA, Philippines — Patay ang isang motorcycle taxi rider matapos na saksakin ng kanyang pasahero nitong Martes ng madaling araw sa Caloocan City.
Naisugod pa sa Caloocan City Medical Center ang biktimang si alyas “Norberto”, 46, subalit pumanaw rin makalipas ang ilang oras bunsod ng mga saksak ng icepick sa kanyang tagiliran.
Bugbog sarado naman ang suspek na si alyas “Jeffrey”, 43 nang maharang ng taumbayan kasunod ng ikalawang insidente ng pambibiktima naman sa Malabon.
Sa report na tinanggap ni Northern Police District (NPD) Director PBGen. Benliner Capili, unang naganap ang insidente bandang alas-2:55 ng madaling araw sa Block 10, Talangka St., Brgy. 20, Caloocan City.
Nakita sa CCTV na bumaba ang suspek sa drop off point at sinaksak sa tagiliran ang biktima saka tinangay ang NMAX motorcycle ng huli patungong Malabon City.
Pagsapit sa Dulong Borromeo Proper, Brgy. Longos, Malabon isang Grab driver naman na si alyas “Jhamel”, 21, ang hinarang ng suspek at kinuha ang cellphone nito.
Nakahingi naman ng tulong ang biktimang si alyas “Jhamel” kaya naabutan sa isang dead end na eskinita ang suspek at pinagbubugbog ng taumbayan.
Narekober mula sa suspek ang icepick, ninakaw na motorsiklo at cellphone.
Mahaharap ang suspek sa patung-patong na reklamong paglabag sa New Anti-Carnapping Act of 2016, robbery at homicide.
- Latest















