7 sa 15 menor-de-edad binitbit
Driver ng PUJ binugbog
MANILA, Philippines — Nilinaw kahapon ng Southern Police District (SPD) na hindi panghoholdap kundi pambubulabog lang ang nag-viral na video sa social media na sangkot ang mga kabataan sa isang pampasaherong dyip, sa Las Piñas City noong Sabado.
Kasabay nito, sinabi ng pulisya na nasa pangangalaga na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pito sa 15 kabataan na umatake sa driver ng pampasaherong jeep.
Ayon sa ulat ng SPD, sa pagitan ng alas-5:00-6:00 ng hapon ng Mayo 2, nang mabidyuhan ang mga kabataan na tinangkang sumakay sa dyip sa Alabang-Zapote Road, na nagdulot ng takot sa mga pasahero.
Nitong Mayo 3, alas 8:50 ng umaga nang mamataan ang mga kabataang target na natutulog sa footbridge sa Alabang-Zapote Road, kung saan binitbit ang pito sa Brgy. Hall ng Brgy. Almanza Uno, Las Piñas City.
Habang nasa kustodiya ng Barangay Council for the Protection of Children (BCPC), apat sa pito ang sangkot sa viral video, na nagpaliwanag na hindi panghoholdap kundi nagalit sila nang tanggihan silang isakay ng driver ng dyip.
Gayunman, ang menor-de-edad at iba pang sangkot ay patuloy pang hinahanap kabilang ang isa na nakitang may hawak ng ice pick. Ayon sa opisyal ng barangay, isa sa 15 kabataan ang tumutok ng ice pick sa pasahero.
- Latest
















