Trike driver nambully, kinatay

MANILA, Philippines — Pinagsasaksak hanggang sa mapatay ang 32-anyos na tricycle driver ng kanyang kapwa tricycle driver na kanyang inaasar at binu-bully habang naghihintay ng pasahero kamakalawa ng umaga sa Quezon City.
Dead-on-arrival sa Quezon City General Hospital ang biktimang si alyas “Montes,” residente ng Brgy. Tandang Sora, QC habang agad namang naaresto ang suspek na si alyas “Salavia,” 41, may asawa, isa ring tricycle driver, at nakatira sa Pleasant view Brgy. Tandang Sora sa lungsod.
Sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CID-QCPD), alas-7 ng umaga nitong Martes (October 27), nang mangyari ang pananaksak sa harap ng isang pawnshop, sa Brgy. Tandang Sora.
Batay sa imbestigasyon ni PSSg Raymark Paligutan, may matagal na umanong alitan ang biktima at ang suspek dahil sa isang babae. Habang nakaupo ang suspek sa kanyang nakaparadang motorsiklo at naghihintay ng pasahero, lumapit ang biktima at patuloy siyang iniinis tungkol sa babae.
Dahil dito, kumuha ang suspek ng distornilyador mula sa lagayan ng mga gamit sa kanyang motorsiklo, at paulit-ulit na sinaksak ang biktima.
Inihahanda na ang kasong murder laban sa suspek.
- Latest





















