Hangin sa Metro Manila lumalala

‘Very Unhealthy’
MANILA, Philippines — Pinangambahan ngayon ng mga awtoridad ang patuloy na paglala ng kalidad ng hangin sa Metro Manila bunsod ng patuloy na usok na nagmumula sa nasunog na Navotas Sanitary Landfill sa Brgy. Tanza, Navotas City.
Nabatid sa monitoring na mula sa “unhealthy”, “very unhealthy” na ang kalidad ng hangin sa Navotas, Quezon City, Caloocan, Valenzuela, Malabon, at Maynila.
Walong araw nang inaapula ng mga bumbero ang sanitary landfill.
Ayon sa mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP), nahihirapan silang mapigil ang usok dahil na rin sa palipat-lipat na paghangin.
“Kung saan umihip ang hangin, doon lumalakas ang apoy. Kaya hinati namin sa iba’t ibang sektor para doon na lang sila mag-focus,” anang BFP.
Napag-alaman din na umaabot na ang hangin sa Obando, Bulacan kung saan ilan sa mga evacuees ay nakararanas ng hika, ubo, lagnat at trangkaso dahil sa maruming usok.
Pinaalalahanan naman ni Health Secretary Ted Herbosa ang publiko mula sa usok ng mga basura na nagtataglay ng hazardous gases.
“Usok ito ng basura at may mga toxic gases ito—methane, sulfur dioxide, carbon dioxide, carbon monoxide. Lahat po ‘yan ay masama sa kalusugan,” ani Herbosa.
Mas makabubuting gumamit ng N95 facemask at magpa-check-up kung nakakaranas ng matinding sakit sa paghinga.
- Latest






















