Mag-amang kumatay sa nagbi-video games, sumuko
MANILA, Philippines — Sumuko na sa Manila Police District (MPD) ang mag-amang pumatay sa kanilang kapitbahay habang naglalaro ng video games sa loob ng isang computer shop sa Tondo, Maynila noong Abril 13.
Sa programang Talk To The People ng Public Information Office (MPIO), iniharap ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang mga suspek na sina Jeffrey Saludar, 49, at anak niyang si Jefferson, 25.
Ayon kay Domagoso, ang mag-ama ay boluntaryong sumuko sa Raxabago Police Station 1 (PS-1) ng MPD at umamin sa pananaksak at pagpatay sa biktimang si Jhon Jhon Bacolod, 46, sa loob ng isang computer shop sa Happyland, Tondo.
Pahayag ng mga suspek, wala umano silang intensyon na patayin ang biktima at nais lamang sana itong kausapin kaugnay sa tangkang pananaksak kay Jefferson noong Abril 12.
Gayunman, nagkaroon umano ng tensyon at bago pa makabunot ng patalim ang biktima, ay inunahan na nila ito ng saksak.
Giit naman ni Domagoso, “The end does not justify the means. Kailangan ninyong harapin ang ginawa ninyo. Kailangan makamit ng biktima ang hustisya.”
Ang mga suspek ay nakapiit na at sinampahan na ng kasong murder sa piskalya.
- Latest















