2 kompanyang sangkot sa illegal recruitment, ipinadlak
MANILA, Philippines — Dalawang kumpanya na kinabibilangan ng isang recruitment agency at ka-tie up nitong visa consultancy firm sa Maynila ang ipinadlak ng Department of Migrant Workers (DMW) dahil sa umano’y pagkakasangkot sa illegal recruitment na ang target ay mga destinasyon sa Europa.
Ayon sa DMW, alinsunod sa direktiba ni Pang. Ferdinand R. Marcos Jr. na protektahan ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) laban sa illegal recruiters at mga sindikato, sinilbihan nila ng closure order ang Creative Artist Placement Service, Inc. at ka-tie-up nitong Schengen Visa Cals, na kapwa matatagpuan sa Ermita, Manila.
Mismong si DMW Undersecretary Bernard P. Olalia naman ang nanguna sa naturang closure operations.
Sinabi ni Olalia na ang mga naturang kompanya ay nanghihingi ng placement fee na mula P120,000 hanggang P150,000 sa kanilang mga kliyente para sa iniaalok na iba’t ibang trabaho sa Europa, gaya ng factory workers, farmers, housekeepers, cleaners at drivers, na may sahod na hanggang P80,000.
Anang DMW, kakanselahin nila ang lisensiya ng recruitment agency habang ang kanilang mga tauhan ay kakasuhan dahil sa illegal recruitment at isasama sa ‘List of Persons with Derogatory Record’ ng DMW upang hindi na sila makalahok pa sa overseas recruitment program ng pamahalaan.
- Latest



















