875 estudyante nagtapos sa Oplan: Talk Read
MANILA, Philippines — Matagumpay na natapos ng nasa 875 mag-aaral mula Grade 1 hanggang 3 ng 17 pampublikong elementarya at tatlong barangay sa 2nd District ng Caloocan City ang Oplan: Talk Read – Pagpupugay sa Tagumpay ng Pagbasa Graduation Ceremony, na ginanap sa Caloocan High School.
Ang programa na pangunahing inisyatiba ni Congressman Egay Erice sa pakikipagtulungan ng DepEd – Schools Division Office Caloocan City, ay nakatuon sa reading-with-comprehension tutorial sessions upang palakasin ang kakayahan ng mga bata na bumasa at umunawa sa kanilang binabasa.
Dumalo at nagbigay-suporta sa okasyon si Senadora Loren Legarda kasama sina Assistant Secretary Janir Datukan ng DepEd, Regional Director Rita Riddle ng DepEd-NCR, Schools Division Superintendent Dr. Cecille G. Carandang, Atty. Jonas Lardino, OIC-Director ng DOLE CAMANAVA Field Office, dating Ambassador Alfredo Yao, Ms. Debbie Guo ng Philippine Chamber of Commerce and Industry, at Konsehal Atty. Charm Quimpo.
Mahalagang bahagi ng tagumpay ng programa ang suporta ng Department of Labor and Employment (DOLE) CAMANAVA Field Office sa pamamagitan ng TUPAD program, na naglaan ng allowances para sa 100 tutors na nagsilbing gabay at inspirasyon ng mga bata sa buong implementasyon ng proyekto.
Sinabi naman ni Erice na ang Oplan: Talk Read ay patunay ng matibay na pagkakaisa ng pamahalaan, paaralan, at komunidad sa pagtataguyod ng edukasyon, at patuloy na layunin ng programa na maabot at matulungan ang mas marami pang batang handang bumasa at mangarap.
- Latest
















