3 HR staff ‘hinarang’ ng mga workers
Hindi pinasuweldo
MANILA, Philippines — Nauwi sa bahagyang tensyon ang hindi pagpapasahod sa mga construction workers nang ‘harangin’ ng mga ito at hindi payagang makaalis ng opisina ang tatlong staff ng Human Resource (HR) department ng isang corporate building sa Bonifacio Global City, sa Brgy. Fort Bonifacio, Taguig City nitong Biyernes ng gabi.
Batay sa ulat, nag-ugat ang halos apat na oras na ‘negosasyon’ mula alas-7:00-10:59 ng gabi sa ika-29 palapag ng gusali nang hindi umano ibigay ng tatlong staff ang inaasahang suweldo ng ilang construction workers.
Ayon naman kay Barangay Kagawad Maricris Palma, hindi naman itinuturing na isang hostage-taking ang nangyari dahil walang ginamit na anumang uri ng armas.
“Hindi naman po totally hostage kasi po ang HR natin at saka construction [workers] ay nag-usap doon sa isang kwarto kung saan pinag-uusapan ang kanilang sahod,” ani Palma.
Ipinaliwanag umano ng tatlong staff na hindi nila alam na magkakaroon ng delay sa pagpapasahod at nagkasundo sila na maibibigay ang suweldo sa darating na Lunes.
Matapos umano pag-uusap ng magkabilang panig sa isang silid sa ika-29 palapag ay humarap din sila sa barangay kung saan tuluyang nagkasundo.
“Ang suweldo ay hinold ng company nila. Nag-settle naman na sila regarding doon and by Monday ay maibibigay na ang sahod nung ating construction workers,” dagdag pa ni Palma.
- Latest


















