Senior citizen nambastos, hinostage ang sarili
MANILA, Philippines — Arestado ang isang 67-anyos na matandang lalaki matapos na manaksak ng babaeng kapitbahay at i-hostage ang sarili nang maburyong umano sa kinakaharap na reklamo ng pambabastos sa isang menor-de-edad, sa Muntinlupa City, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang suspect na si alyas “Rodolfo”, biyudo, at residente ng Southville 3, Barangay Poblacion, Muntinlupa habang ang sugatang biktima ay kinilalang si alyas “Edan”, 39-anyos, kapitbahay ng matanda.
Sa ulat, alas-12:02 ng tanghali ng Enero 16, nang maganap sa Lot 38 ng Southville ang insidente ng pananaksak. Bago ito ipinatawag sa Barangay ang suspect sa reklamo ng pambabastos na umano’y ginawa nito sa isang menor-de-edad na anak ng babaeng sinaksak nito.
Nagkaroon umano ng maayos na pag-uusap sa Barangay subalit nang makauwi na ang magkabilang partido, kumuha ng patalim ang suspect at inundayan ng saksak sa tiyan ang biktima.
Sa pagresponde ng pulisya, naaktuhan nila ang suspect na may hawak na itak at pinagbantaan sila na sasaksakin ang sarili kung siya ay lalapitan ng nagrespondeng mga elemento ng Special Weapons and Tactics (SWAT) team. Samantalang matapos ang negosasyon ng mga awtoridad ay napahinuhod din ang suspect na maayos na sumuko.
- Latest


















