Mag-asawa, nagsaksakan sa Undas: Misis, todas

MANILA, Philippines — Isang 39-anyos na babae ang patay matapos na saksakin ng kanyang live-in partner sa araw mismo ng Undas sa Quezon City.
Idineklarang dead-on-arrival sa Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital ang biktimang si Nelly Onato, 39, na nagtamo ng saksak sa dibdib.
Nagtamo naman ng saksak at hiwa ang suspek na si Antonio Clamucha, 58, tricycle driver at kapwa residente ng St. Dominic Compound, Quirino Highway, ng nabanggit na lungsod. Mag-live-in partner ang biktima at suspek.
Batay sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit -Quezon City Police District (CIDU-QCPD) nangyari ang insidente bandang alas-11 ng gabi nitong Sabado sa harap ng bahay ng biktima at suspek.
Bago ang insidente, sinabi ng saksing si alyas “Amy”, nagising siya sa ingay ng suspek habang binabato ng silya na monoblock ang bahay. Bumaba siya ng bahay upang tignan ang insidente hanggang sa makitang sinaksak ng suspek sa dibdib ang biktima.
Bagama’t may saksak, inagaw ng biktima ang jungle bolo sa suspek at sinaksak ang huli.
Naawat naman ng isa pang saksi ang mag-live-in partner kung saan dinala sa ospital ang biktima.
Patuloy pang inaalam ng pulisya ang motibo sa insidente.
- Latest

















