Kambal, tepok sa sunog sa Valenzuela
MANILA, Philippines — Patay ang dalawang batang babae na kambal habang pitong indibidwal ang sugatan sa sunog na naganap sa isang residential area, sa Valenzuela City, Miyerkules ng umaga.
Dead-on-arrival sa pagamutan ang magkapatid na sina alyas “Ronamie” at “Ronalyn”, 7-taong gulang na residente Batimana Compound, Pisces Street, Barangay Marulas, Valenzuela City.
Kabilang sa mga sugatan ang isang 13-anyos na babaeng nagtamo ng matinding paso sa katawan na kinailangang ilipat sa ibang pagamutan.
Ang anim pang sugatan ay isang 5-taong gulang na lalaki; at mga babaeng may edad 7, 9, 31, 52 at 63 na ginagamot sa Valenzuela Medical Center (VMC).
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng Valenzuela City Police station, kwitis umano ang sanhi ng sunog sa no. 173 Pisces St, na pinag-imbakan ng idineliber na kwitis.
Nagsimula ang sunog alas-11:33 ng umaga, na sinasabing nagmula ang apoy sa firecrackers na idineliber umano ng isang alyas “Rogie”, sa lugar.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), agad na idineklara ang first alarm at mabilis ding naapula ang apoy makalipas ang 15 minuto.
Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang dami ng mga paputok na inimbak sa bahay mismo ng nasawing kambal.
Sinabi ni Mayor Wes Gatchalian na bibigyan ng tulong ang mga apektadong pamilya na ayon sa naitala ay apat na pamilya o 17 indibidwal.
- Latest


















