Lolo, binitbit sa panggagahasa sa menor-de-edad
MANILA, Philippines — Nalambat ng mga awtoridad ang 67-anyos na lolo na mahigit 2 taon nang palipat-lipat ng tirahan para takasan ang warrant of arrest sa kasong panggagahasa sa menor-de-edad sa Pasay City, Sabado ng hapon.
Ayon kay Pasay Police Sub-Station 1 Commander PCapt. Dennis Desalisa, naaresto ang akusadong si alyas “Mang Domeng”, ng Carlton Village Rodriguez, Rizal sa Bukaneg St., sa CCP Complex alas-2:00 ng hapon ng Setyembre 13.
Sinabi ni Pasay Police Chief, PCol. Joselito De Sesto, na si Mang Domeng ay nasa No. 7 Top Most Wanted Person sa Region 4B MIMAROPA ay dinakip kaugnay sa nakabinbin na kasong Statutory Rape sa Odiongan, Romblon, batay sa 2 warrant of arrest na inisyu ni Odiongan, Romblon Regional Trial Court (RTC) Executive Judge Edwin B. Buffe ng Branch 82 na may petsang Hulyo 12, 2023 at Setyembre 2, 2024, na parehong walang inirekomendang piyansa.
Pinapurihan naman ni Southern Police District (SPD) Acting District Director PBGen. Randy Arceo ang Pasay CPS sa masigasig na pagtugis sa puganteng lolo na patunay na hindi puwedeng gawing kanlungan ng mga kriminal ang nasasaskupan nilang mga lungsod at bayan.
- Latest























