Dalaw sa BuCor buking sa shabu sa condom
MANILA, Philippines — Arestado ang isang babaeng dalaw ng person deprived of liberty (PDL) nang madiskubre ang shabu sa kanyang dalang condom ng Corrections Officer sa Maximum Security Camp ng New Bilibid Prison, sa Muntinlupa City, Martes ng hapon.
Kinilala ni Bureau of Corrections Director General Gregorio Pio Catapang Jr. ang suspek na si alyas “Rhea”, isang registered visitor para sa PDL na si Edgardo Mercado na nakapiit sa Dorm 1C (Quadrant 1), MaxSeCamp, NBP.
Batay sa ulat ni NBP Supt. Corrections Chief, Roger Boncales, hindi umano mapakali si alyas “Rhea” nang sumalang sa X-ray body scanning at nagpaalam na magtutungo muna sa comfort room.
Naobserbahan sa kakaibang posisyon ang suspek at nang alamin ang ginagawa at natuklasang itinatapon ang isang condom, na naglalaman ng shabu.
Ang kinumpiskang condom at hinihinalang iligal na droga ay agad ipinadala sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Forensic Laboratory habang si Rhea ay nai-turn over na sa pulisya.
Sinabi ni Catapang na ang insidenteng ito ay binibigyang-diin ang patuloy na mga hamon na kinakaharap ng mga correctional facility sa pagpigil sa pagpuslit ng droga at pagpapanatili ng seguridad sa loob ng kanilang mga pader.
- Latest

















