P7.6 milyong ecstasy nasabat ng BOC

Hinalo sa candy, biskwit
MANILA, Philippines — Aabot sa P7.6 milyong halaga ng ecstasy tablets na hinalo sa kahon ng gummy candies at biskwit ang nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa Port of Clark.
Sinabi ni BOC-Clark District Collector Jairus Reyes nitong Miyerkules, nangmula ang kargamento sa Brussels, Belgium na naka-address sa Quezon City, ang naharang noong Abril 2, 2025.
Ang pagkadiskubre sa iligal na droga ay nag-ugat sa impormasyong ipinarating sa BOC ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Isinailalim sa K-9 sniff test ng Customs examiners at PDEA ang parcel na matapos magpositibo ay isinagawa na ang pisikal na pagbusisi.
Lumabas na nakahalo sa pitong kahon na naglalaman ng gummy candies at Belgian waffle ang 4,491 tablets ng ecstasy.
Nagpalabas na ng warrant of seizure and detention ang BOC laban sa kargamento kaugnay sa paglabag sa Section 118(g), Section 119(d), at Section 1113 paragraphs (f), (i), at (l) ng Republic Act 10863 (Customs Modernization and Tariff Act) kaugnay sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
“This operation sends a clear and strong message – the Port of Clark will not be a gateway for illegal drugs. Let this be a firm warning to smugglers and consignees attempting to exploit our borders,” ani Reyes.
- Latest