2 pekeng Vietnamese doctor arestado sa CIDG

MANILA, Philippines — Arestado sa mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang dalawang pekeng Vietnamese doctor sa isinagawang entrapment operation nitong Lunes sa Lungsod ng Makati.
Sa report ni CIDG-NCR Chief PCol. Marlon Quimno kay PBGen. Rolindo Suguilon, Officer-in-Charge CIDG, nakilala ang mga suspek na sina “Nguyen”, babae at “Phuong”, lalaki.
Nabatid na nagsagawa ng entrapment operation ang CIDG Quezon City District Field Unit ng CIDG National Capital Region nitong Hunyo 16 sa Doly Beauty Lounge sa H.V. Dela Costa, Bel-Air Village, Makati City matapos na makatanggap ng tip hinggil sa modus ng mga suspek.
Lumilitaw na nagsasagawa ng medical consultation, nose augmentation at body parts modification procedures ang mga suspek ng walang lisensiya at registration mula sa Professional Regulation Commission (PRC).
Ayon kay Suguilon, ito ay malinaw na illegal practice of medicine.
Dagdag ni Suguilon mas paiigtingin pa nila ang kanilang kampanya laban sa mga panloloko at iligal na gawain alinsunod sa kautusan ni PNP chief Gen. Nicolas Torre III.
Ang mga suspek ay nakapiit na sa CIDG at nahaharap sa paglabag sa RA-4224 o The Medical Act of 1959.
- Latest