Senior todas sa hit-and-run

Driver na guro, timbog
MANILA, Philippines — Patay ang isang government employee matapos na ma-hit-and- run ng isang SUV na minamaneho ng isang guro ang kanyang sinasakyang motorsiklo kamalawa ng umaga sa Valenzuela City.
Idineklarang dead- on-arrival sa Valenzuela Emergency Hospital ang biktimang si Luzviminda F. Libatique, 63, ng Brgy. Bignay, Valenzuela City habang tatlong iba pa ang sugatan.
Batay sa imbestigasyon, nangyari ang insidente bandang alas-6:30 ng umaga nitong Martes sa Narciso St., Brgy. Canumay East, Valenzuela City.
Binabagtas ng biktima ang Narcisco St. patungong Paso de Blas sakay ng Rusi motorcycle na minamaneho ng kanyang anak nang banggain ng Toyota Rush.
Nawalan ng balanse ang anak ng biktima hanggang sa mabangga nito ang kasalubong na Honda ADV motorcycle. Kapwa tumilapon ang mga sakay ng dalawang motorsiklo.
Agad na rumesponde ang Valenzuela City Disaster Risk Reduction and Management Office (VCDRRMO) at dinala sa nabanggit na ospital ang mga biktima. Subalit makalipas ang ilang minuto binawian ng buhay si Libatique.
Nagsagawa naman ng follow-up investigation ang Valenzuela City Police sa ilalim ng pamumuno ni PCol. Gerson Bisayas, Officer-in-Charge ng VCP upang matukoy ang driver ng SUV.
Nakipag-ugnayan sina PMaj. Jose Hizon, Assistant Chief of Police for Operations at PCpt Michael Oxina, OIC ng Investigation and Detective Management Section (IDMS) sa Land Transportation Office (LTO) at natukoy ang driver.
Nakumpirma rin ang pagkakakilanlan ng suspek sa Facebook sa pangalang “Irene”, 42, na isang public school teacher. Alas-4:30 ng hapon nitong Martes nang maaresto ang suspek sa Brgy. Bignay at na-recover ang Toyota Rush.
Nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide, multiple physical injuries, at damage to property ang suspek na guro.
- Latest