Senior todas sa sunog sa Makati
MANILA, Philippines — Isang senior citizen ang kumpirmadong nasawi sa sunog sa isang residential area, sa Barangay Guadalupe Viejo, Makati City, Miyerkules ng hapon.
Hindi pa tinukoy ang pagkilanlan ng biktimang namatay, bagamat tiniyak ng Bureau of Fire Protection (BFP) na mismong anak ang kumilala sa bangkay, na unang idineklarang ‘missing’.
Bukod sa nasawi, isang lalaki at isang babae naman ang iniulat na sugatan matapos tangkain na magsalba ng kanilang gamit mula sa nasusunog na mga bahay.
Nasa pitong kabahayan ang napinsala at tinatayang hanggang sampung pamilya ang naapektuhan.
Sa ulat, dakong alas-12:36 ng hapon nang magsimula sa apoy sa panulukan ng Jasmin at Champaca Sts., Brgy. Guadalupe Viejo.
Umabot lang sa ikalawang alarma at idineklarang fire-out ala-1:53 ng hapon.
Mas maraming pamilyang nangungupahan lamang ang naapektuhan sa nasunog na kabahayan at pansamantalang pinatuloy sa covered court ng barangay.
- Latest