P900 milyong luxury cars nasabat sa warehouse sa Taguig

MANILA, Philippines — Aabot sa P900 milyon halaga ng mga smuggled na sasakyan ang natuklasan sa ginawang pagsalakay ng mga tauhan ng Customs Intelligence and Investigation Service-Manila International Container Port (CIIS-MICP) sa isang warehouse sa Taguig City.
Ayon kay Bureau of Customs (BOC) Commissioner Bien Rubio, nakumpiska sa nasabing warehouse ang 44 na unit ng smuggled luxury cars, na kinabibilangan ng Ferrari, Maserati, Rolls Royce, at iba.
Sinabi ni CIIS Director Verne Enciso, natuklasan ang mga sasakyan sa loob ng Auto Vault Speed Shop sa Levi Mariano Ave., Brgy. Ususan, Taguig City.
Isinilbi ng mga ahente ng CIIS-MICP ang Letter of Authority (LOA) sa may-ari o kinatawan ng shop at kabilang sa nakita sa warehouse ang 2 units ng Ferrari 488, 2 units ng Mercedes Benz C Class, at iba pa.
Inatasan naman ni Customs Deputy Commissioner for Intelligence Group Juvymax Uy ang mga ahente ng BOC na lalo pang maging mapagmatyag laban sa mga smuggler.
Ito na ang ikatlong raid na ginawa ng CIIS sa mga auto shop sa Metro Manila na nagbebenta ng luxury vehicles.
Ang unang dalawang pagsalakay ay sa mga warehouse sa Parañaque City, Pasay City, at Makati City.
- Latest