LTO naglabas ng show cause order vs driver at operator ng truck sa aksidente sa Katipunan
MANILA, Philippines — Pinahaharap ni Land Transportation Office (LTO) Chairman Vigor Mendoza sa Martes, Disyembre 10 ang driver na si Richard Mangupag at operator nito matapos ang aksidenteng ikinasawi ng apat katao at ikinasugat ng 26 na iba pa nitong Huwebes ng gabi sa Katipunan flyover, Quezon City.
Kasabay nito, sinuspinde ng 90 araw ng LTO ang lisensiya ni Mangupag na kasalukuyan ding nahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting to Multiple Homicide and Physical injuries at Reckless Imprudence Resulting to Damage to Property.
Ayon kay Mendoza, layon nilang malaman kung may naging kapabayaan ang registered owner ng trak laluna sa aspeto ng road worthiness at employment ng naturang driver gayundin ang iba’t ibang report hinggil sa pagmamaneho ng suspek at sistema ng operator.
Sakaling hindi dumating ang driver at truck owner sa itinakdang hearing sa December 10, mapipilitan ang ahensiya na magdesisyon sa kaso batay sa ebidensiya na kanilang nakalap mula sa ginawang imbestigasyon hinggil dito
Huwebes nang araruhin ng truck na may plakang RJK 719 ang nasa 22 sasakyan na kinabibilangan ng mga motorsiklo at kotse na nagresulta sa pagkasawi ng apat katao at pagkasugat ng 26 na iba pa.
- Latest