Halos 5K pulis- Quezon City ikakalat sa Undas
MANILA, Philippines — Ipakakalat ng pamunuan ng Quezon City Police District (QCPD) ang may halos 5 libong tauhan matiyak ang kaayusan at seguridad sa paggunita ng Undas ngayong taon.
Sa QC Journalist Forum, sinabi ni QCPD district director Melecio Buslig Jr. na sa 4,786 personnel na ipakakalat sa mga sementeryo, kolumbaryo at mga bus terminal, nasa higit i1,000 tauhan mula kabuuang bilang ay naka-monitor naman sa mga komunidad lalo na sa mga bahay na maiiwang walang tao sa panahon ng Undas.
Ayon kay Buslig, may nakalatag ding drone squadron ang QCPD para sa mas malawak na pagpapatrolya sa mga lugar na madalas dagsain tuwing Undas tulad ng mga sementeryo.
Kaugnay nito, may itatalaga ring 70 police assistance desks sa iba’t ibang lugar sa QC para alalayan ang mga bibisita sa mga sementeryo at mga pasaherong magsisiuwian sa probinsya.
Nakiusap din ang QCPD sa mga magulang na may maliliit na bata at mga senior citizen na agahan nang magtungo sa mga sementeryo at huwag nang makipagsabayan sa peak ng bisita sa mga sementeryo sa November 1 hanggang November 2.
Pinaalala rin ni Director Buslig sa QCitizen na tumawag sa Helpline 122 kung nais ng tulong mula sa QC LGU at QC Police.
- Latest