63 public schools sa Valenzuela tumanggap ng bagong service van
MANILA, Philippines — Bilang suporta sa sistema ng edukasyon sa lungsod ng Valenzuela, pinangunahan nina Mayor Wes Gatchalian at Senator Win Gatchalian ang pamamahagi ng nasa 63 bagong mga service van ng mga pampublikong paaralan .
Ayon kay Mayor Wes, ang WIN Serbisyo Vans ay maaaring gamitin ng mga guro at estudyante kung may kailangang ihatid, sunduin o dalhin na importante at may kinalaman sa pag-aaral.
Nabatid na pinondohan ang pagbili ng mga van ng tanggapan ni Senator Win kung saan nagkakahalaga ng P1,099,900 ang bawat isa. Umaabot naman sa P69,293,700 naman ang kabuuang halaga ng mga sasakyan.
Ikinagalak naman ng mga guro na matanggap ang service van sa araw mismo ng pagdiriwang ng World Teacher’s Day.
“Ang buhay ng mga guro ay hindi humihinto sa pagtuturo. Kaya sana ay makatulong ang mga sasakyang ito sa inyong mga extra-curricular activities at sa mga iba pang operation. Kaya naman pinagtulungan natin ito para magkaroon kayo ng kanya kanyang mga service vehicles. Abangan din po ninyo ang bago nating schools division office, ito po ay mayroon ding mga training centers, breakout rooms, auditorium, para sa ating mga teachers. Kaya sana ay maging mas maayos at maginhawa ang ating mga trabaho para sa edukasyon ng ating mga kabataan,” ani Senator Win.
Ayon naman kay Mayor Wes,binibigyan pugay nila ang kanilang mga guro para sa dekalidad na edukasyon sa mga kabataan. Aniya, hindi sapat ang mga nasabing sasakyan kaya magpapatayo sila ng central kitchen at tatlong bagong ValACE sa Barangay Gen. T. De Leon, Marulas, at Mapulang Lupa.
Dumalo rin sa pamamahagi ng sasakyan sina Vice Mayor Lorie Natividad-Borja, mga konsehal na sina Councilors Marlon Alejandrino, Cris Feliciano, Niña Lopez, Chiqui Carreon, Louie Nolasco, Mickey Pineda at Ghogo Deato Lee, Valenzuela Schools Division Superintendent, Mr. Noel Bagano, SPTA Valenzuela President, Ms. Marianne Fabon, school heads, principals, mga guro at SPTA officers.
- Latest