Sanggol ibinenta ng P40K sa online, ina arestado!
MANILA, Philippines — Arestado sa entrapment operation ng Anti-Cybercrime Group ng Philippine National Police (PNP-ACG) ang isang nanay na ibinenta ang kanyang sanggol sa online sa halagang P40,000 kahapon ng umaga sa Caloocan City.
Ayon kay PNP-ACG spokesperson Lt. Wallen Mae DS Arancillo, nabuking ang transaksiyon ng suspek sa isinagawang cyberpatrol ng mga tauhan ng ACG sa isang social media platform at inaalok ang mga interesadong magkababy.
Sinabi ni Arancillo na nakipagkasundo ang cyber cops sa suspek sa halagang P40,000.
Ikinasa ang entrapment operation sa isang lying-in clinic sa Caloocan City at agad na pinosasan ang ginang at na-rescue ang sanggol.
Lumilitaw sa imbestigasyon na kapapanganak pa lamang ng suspek nitong Lunes, Setyembre 23 at nagpasya siyang ibenta ang kanyang beybi dahil hindi umano niya ito kayang buhayin. Katuwiran niya, kailangan niya ang pambili ng maintenance na gamot para sa kanyang ama na may sakit.
Binigyan diin ni Arancillo na ang kanilang operasyon ay bunsod ng utos ni PNP-ACG director Maj. Gen. Ronnie Francis Cariaga na paigtingin ang kampanya laban sa talamak na bentahan ng mga sanggol sa online.
“We have been receiving reports about rampant online selling of babies so our Director (Cariaga) ordered all our personnel to intensify the monitoring, intelligence-gathering and operation to address this problem,” ani Arancillo.
Nabatid pa kay Arancillo na may 3,500 followers ang Facebook page kung saan naka-post ang pagbebenta sa sanggol bukod pa ang abortion.
- Latest