Animal shelter at clinic, itatayo sa Maynila
MANILA, Philippines — Inaasahang sa susunod na buwan ay magkakaroon na ang Manila City government ng kanilang kauna-unahang animal shelter at clinic, ito ay ayon mismo kay Mayor Honey Lacuna.
Sa kanyang pagdalo sa pagdiriwang ng taunang kapistahan ng St. Roch, ang patron saint ng mga aso, noong Agosto 16, inianunsiyo rin ng alkalde na nakahanap na ang pamahalaang lungsod ng perfect spot para sa pinaplano nilang pet cemetery.
Ang pet cemetery ay matatagpuan sa Manila South Cemetery kung saan maaaring ihimlay ng kanilang fur parents ang mga labi ng kanilang pumanaw na alagang hayop.
Idinagdag pa ni Lacuna na ayon sa plano, maglalagay rin sila ng crematorium sa nasabing sementeryo kung saan maaaring ipa-cremate ang mga pumanaw na alaga.
Dagdag ng alkalde na isa ring fur parent, at may 13 alagang aso, ang kauna-unahang shelter at clinic para sa mga hayop ay matatagpuan sa Vitas, Tondo.
Ito ay magbibigay ng libreng serbisyo para sa cat at dog owners, na residente ng Maynila, sa first come, first served basis.
Sa kasalukuyan, ang libreng anti-rabies vaccines ay ipinagkakaloob sa lahat ng alagang hayop sa buong lungsod.
Samantala, inanunsyo na rin ni Lacuna na maglulunsad ang lokal na pamahalaan ng programa na magkakaloob ng training para sa mga constituents, na interesadong magturo ng proper grooming sa mga alagang hayop.
- Latest