P38.8 milyon marijuana mula Thailand nasabat sa MICP
MANILA, Philippines — Nasabat ng Bureau of Customs (BOC) ang isang shipment mula Thailand na naglalaman ng may P38.8-milyong halaga ng pinatuyong marijuana sa Manila International Container Port (MICP) noong nakaraang linggo.
Kaagad na hiniling ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) Field Station sa MICP ang 100% physical examination para sa isang shipment na naka-consigned sa Philippians 4:19 Export and Import Gen. Mdse. noong Mayo matapos na matanggap ang derogatory information hinggil sa nilalaman ng shipment.
Binigyang-diin ni BOC Commissioner Bien Rubio ang pangangailangan na maging proactive sa pagtugon sa problema ng bansa sa ilegal na droga, kasunod na rin ng commitment ng ahensiya sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magsagawa ng crackdown sa illegal drug trade.
Ang shipment ay idineklarang mga plastic tableware, kitchenware, blankets, men’s shoes, at iba pa, ngunit sa derogatory information na nakarating sa CIIS ay mayroon itong lulang illegal drugs, gayundin ng misdeclared, at undeclared items.
Kinilala ni CIIS Director Verne Enciso ang nagpadala ng shipment na isang Wilma Bulahagui, habang isang Erickson Bulahagui ang receiver nito.
Ayon kay Enciso, ang marijuana na natagpuan sa tatlong kahon ay P38,808,000 ang kabuuang halaga.
- Latest