Mga residente sa EMBO barangays ‘di makakaboto sa congressional race
MANILA, Philippines — Hindi muna makaboboto sa congressional race sa 2025 midterm polls ang mga residente ng 10 Enlisted Men’s Barrios (Embo) barangays na dating nasa hurisdiksiyon ng Makati City, na ngayo’y sakop na ng Taguig City.
Kabilang sa mga naturang EMBO barangays ay ang Pembo, Comembo, Cembo, South Cembo, West Rembo, East Rembo, Pitogo, Rizal, Northside, at Southside.
Ayon kay Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia, maaari namang bumoto ang mga EMBO barangay voters sa 2025 National and Local Elections (NLE). Gayunman, ito’y para lamang sa mga kandidato para sa pagka-alkalde, bise alkalde at city council, ngunit hindi kasama ang pagka-kongresista.
Paliwanag niya, wala pa kasing status dito at wala pa ring batas na nagsasaad na isang bagong distrito ang binuo sa Taguig City para sa EMBO barangays. Hindi rin naman aniya maaaring isama ng Comelec ang mga naturang botante sa ibang distrito.
Tiniyak ni Garcia na ang tatlo pang natitirang barangay sa ikalawang distrito ng Makati City, na kinabibilangan ng Guadalupe Viejo, Guadalupe Nuevo, at Pinagkaisahan, kung saan dating kabilang ang mga EMBO barangays, ay hindi naman nila bubuwagin at sa halip ay mananatili pa ring isang Distrito.
- Latest