472 pulis sa Metro Manila, nasibak na sa serbisyo - NCRPO Chief
MANILA, Philippines — Inihayag ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na umaabot sa 472 pulis sa Metro Manila ang nasibak na sa serbisyo kaugnay ng tuluy-tuloy na pagpapatupad ng internal cleansing.
Sa pulong balitaan sa Kampo Karingal, sinabi ni NCRPO Chief PMGen. Jose Melencio Nartatez Jr., na indikasyon ito ng kanilang pinaigting na kampanya upang mapanatili ang integridad at propesyonalismo sa Philippine National Police (PNP).
Napag-alaman kay Nartatez na mula sa mga natanggal, 12 pulis ang may kaugnayan sa iligal na droga.
May mga pulis din na may kasong AWOL o Absent without Leave dahil sa hindi pagpasok ng 30 araw hanggang dalawang taon.
Bukod dito, nasa higit 700 kaso rin ng mga pulis sa NCR ang nasuspinde o na-demote sa serbisyo.
“We also have a total of 1,226 personnel who are facing administrative cases. I have already given instruction for the fast resolution of the case but without sacrificing the due process,” ani Nartatez.
Sa kabuuan, nasa 2,500 na mga kasong may kaugnayan sa pulis ang naresolba na rin ng NCRPO kung saan kalahati rito ay abswelto.
Aminado si Nartatez na ikinagulat niya ang dami ng pulis na may kasong administratibo.
Sa katunayan, nakalagay ang mga ito sa dalawang container van na nasa Camp Bagong Diwa sa Bicutan.
Sa ngayon aniya, tuluy-tuloy rin ang pagresolba sa iba pang nakabinbing mga kaso.
- Latest