2 kilabot na ‘tulak’ timbog sa P1.7 milyong shabu
MANILA, Philippines — Kalaboso ang dalawang lalaki nang mahulihan ng P1.7 milyong halaga ng iligal na droga sa ikinasang buy-bust operation ng mga tauhan ng Regional Drug Enforcement Unit (RDEU) ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa Taguig City, Miyerkules ng gabi.
Kinilala ang mga suspek na sina Fahad Esmail, 24 at Jay Salboro, 21.
Sa ulat ng RDEU kay NCRPO Chief, PMGen. Jose Melencio Nartatez Jr., dakong alas-8:40 ng gabi ng Mayo 8 nang arestuhin ang dalawa sa Magsaysay Extension malapit sa kanto ng Maguindanao St. Barangay New Lower Bicutan, Taguig City.
Nasamsam ang nasa 250 gramo ng shabu na may Standard Drug Price na P1,700,000.00.
Nahaharap sa reklamong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) sa Taguig City Prosecutor’s Office ang mga suspek.
“Our proactive and unyielding approach to combat illegal drugs in the Metro remains steadfast. We are committed to relentlessly pursuing and apprehending sellers and sources to completely eradicate drugs in our region,” ani Nartatez.
Samantala, mula Mayo 9-10, 2024, ang pinaigting at estratehikong operasyon ng NCRPO laban sa iligal na droga ay nagresulta sa pagkaaresto ng 52 drug personalities mula sa 26 na drug operations sa pagkasamsam ng nasa 191.28 gramo ng shabu at 7,000 gramo ng marijuana na may kabuuang halaga na P2,140,704.00.
- Latest