Higit 2 milyong turista dumagsa sa Pinas - DOT
MANILA, Philippines — Umakyat sa mahigit 2-milyon ang international tourist arrival sa bansa hanggang nitong Miyerkules, Abril 24, ayon sa Department of Tourism (DOT).
Sa inilabas na pahayag ng DOT nitong Huwebes, naitala sa kanilang monitoring ang 2,010,522 international visitors na dumating sa bansa hanggang Abril 24, na binubuo ng 1.9 milyon na banyagang turista habang ang 116,446 ay mga Pinoy na galing sa iba’t-ibang bansa.
Mas mataas ito ng 15.11 porsiyento kumpara sa mga international arrival na naitala sa parehong panahon noong nakaraang taon na 1,746,630.
Sa nasabing bilang, pinakamarami ang South Koreans-546,726, Estados Unidos 315,816, Chinese-130,574, Japanese -123,204, at Australian 88,048.
Ang Canada, Taiwan, United Kingdom, Singapore, at Germany ay kabilang din sa mga nangungunang pinagmumulan ng mga bisita o nasa rank na 6-10.
Ang mga resibo sa turismo ng bansa mula Enero 1 hanggang Marso 31 ay umabot din sa humigit-kumulang P157.62 bilyon, na nangangahulugang tinatayang 120.70 porsiyentong recovery rate mula sa P130.59 bilyong kita mula sa parehong panahon noong 2019.
Nabatid na target ng DOT ang 7.7 international arrival ngayong taon.
- Latest