3 obrero hulog sa bagong manhole, patay!
Nagsasagawa ng infiltration test
MANILA, Philippines — Patay ang tatlong obrero nang sunud-sunod na mahulog sa bagong gawang manhole na may 14-metro ang lalim sa Brgy. Loyola Heights, Quezon City nitong Biyernes ng gabi.
Idineklarang dead-on-arrival sa Quezon Memorial and Medical Center ang mga biktimang sina Arnel dela Pena, 55-anyos, plumber, ng UP Stud Farm, Brgy. UP Campus, Quezon City; Cedie Abarca, 26, at Gabriel Uduana, 23, pawang mga trabahador ng Andem Construction Inc. at naninirahan sa Kaingin-2 Bungad, Brgy. Pansol, Quezon City.
Batay sa imbestigasyon ni PStaff Sgt. Nido Gevero, Jr. ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), nangyari ang insidente dakong alas-10:30 ng gabi nitong Biyernes sa bagong gawang sewer manhole na matatagpuan sa ilalim ng Katipunan Flyover sa AB Katipunan Avenue, Brgy. Loyola Heights.
Lumilitaw na nagsasagawa ng “infiltration and exfiltration test” sa naturang manhole ang mga biktima kasama ang kanilang supervisor-engineer na si Rodolfo Pelencio ng Andem Construction nang maganap ang trahedya.
Sa kasagsagan ng infiltration testing ni Dela Pena sa loob na bahagi ng manhole, bigla umano siyang nahilo at nawalan ng malay kung kaya tuluy-tuloy na nahulog sa patag sa loob ng manhole.
Inutusan naman umano ni Engr. Imperial sina Abarca at Uduana na i-rescue si Dela Pena subalit maging ang dalawa nang pumasok sa manhole ay tila nakalanghap ng nakalalasong hangin at nag-collapse na kanilang ikinahulog sa flatform.
Nabatid sa report ng QCPD-CIDU na may taas na 14 metro ang manhole.
Dahil sa pagkakahulong ng tatlo, agad tinawag ni Engineer Imperial ang kanyang driver upang sumaklolo sa mga biktima saka sila mabilis na dinala sa nabanggit na ospital subalit kapwa idineklarang patay.
Inaalam pa ng pulisya kung posibleng “gas poisoning” ang ikinasawi ng tatlong manggagawa.
- Latest