Nursing student patay sa sunog sa Malabon
MANILA, Philippines — Patay ang isang nursing student nang sumiklab ang sunog sa isang residential area kahapon ng umaga sa Brgy. Tugatog, Malabon City.
Kinilala ng Bureau of Fire Protection ang biktimang si Nyanza Manalang, 20-anyos, residente sa nasabing lugar.
Sa imbestigasyon ni Fire Senior Inspector Michael Jacinto, deputy fire marshal ng Malabon, nangyari ang insidente dakong alas-6 ng umaga sa nasabing barangay.
Mabilis na kumalat ang apoy mula sa katabing bahay ng biktima na noo’y mahimbing na natutulog.
Natagpuan ang biktima sa may hagdan ng ikalawang palapag ng bahay na posibleng nagtangka pa siyang lumabas subalit na-trap na ng apoy.
Sa kabila nito, hindi naman sunog ang katawan ng biktima nang matagpuan kaya posible umanong na-suffocate at nabigo nang makalabas ng bahay.
Pansamantalang nanunuluyan sa covered court ng barangay ang may 9 na pamilya na nawalan ng tirahan sa sunog na umabot sa ikalawang alarma.
Nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang BFP sa sanhi ng sunog.
- Latest