Mag-ama patay sa sunog sa Tondo
Nakalabas na bumalik pa sa nagliliyab na bahay
MANILA, Philippines — Patay ang mag-ama nang bumalik sa loob ng kanilang nasusunog na bahay sa Tondo, Manila kamakalawa.
Kinilala ang mga biktima na sina Dionisio Lasaca, 66, at anak na si Jomer Lasaca, 21, isang person with special needs, at kapwa residente ng Fullon St., Dagupan, Tondo.
Batay sa ulat ng Manila Fire Department, dakong ala-1:29 ng hapon nang maganap ang sunog sa tahanan ng pamilya Lasaca.
Kwento ni Aling Myrna, maybahay ni Mang Dionisio, kasalukuyan siyang nasa bahay ng kanyang amo nang mabalitaang nasusunog ang kanilang tahanan.
Kaagad umano siyang nagtatakbo pauwi ngunit hindi niya nakita ang kanyang mag-ama.
Idinagdag nito, ayon sa kanyang mga kapitbahay ay nakalabas na ang kanyang mag-ama sa kanilang nasusunog na bahay, ngunit bigla umanong bumalik si Mang Dionisio sa loob, upang tangkaing isalba ang ilan pa nilang gamit.
Gayunman, sumunod naman umano sa ama ang kanyang anak, at minalas na ma-trapped at hindi na makalabas pa ng buhay ang mga ito.
Sa mopping operation na lamang natagpuan ng mga bumbero ang bangkay ng mag-ama.
Bukod naman sa mag-amang nasawi, mayroon din umanong walong indibidwal ang nasugatan sa sunog.
Umabot lamang ng ikalawang alarma ang sunog bago tuluyang naapula dakong alas-4:33 ng hapon.
Ayon sa mga awtoridad, tinatayang aabot sa 30 kabahayan ang tinupok ng apoy at nasa 100 pamilya ang nawalan ng tahanan.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang pinagmulan ng sunog, na tumupok sa tinatayang P1.5 milyong halaga ng mga ari-arian.
- Latest