Gumagalang holdaper sa Macapagal Avenue, arestado
MANILA, Philippines — Tapos na ang maliligayang araw ng isang hinihinalang hodaper na nambibiktima sa Macapagal Avenue, matapos matiyempuhan ng mga pulis na kanyang ikinaaresto kasunod ng isang maikling habulan sa Pasay City, kahapon ng umaga.
Sa ulat, nadaan ng nagpapatrolyang mga tauhan ng Pasay City Police ang armadong suspek na kinilala lang sa alyas na “Romie”, 19-anyos, na katatapos lang umanong magholdap.
Sa ulat ng Sub-station 10 ng Pasay CPS, alas-8:15 ng umaga ng Pebrero 4, nang arestuhin ang suspek sa kahabaan ng Macapagal Avenue, sakop ng Barangay 76.
Habang nagpapatrolya ang mga pulis nang may nag-tip sa kanila hinggil sa isang lalaking may dala umanong baril, na nang lapitan ay tumakbo at agad namang nakorner.
Nakumpiska ng mga pulis sa suspek ang isang kalibre .38 na may serial number 773 488 at may anim na bala. Nang rikisahin ang dala pa niyang bag, nakita ang isang itim na wallet na may iba’t ibang identification cards at P1,100 cash.
Dumating naman ang isang biktima na nagturo sa suspek na nanutok sa kaniya ng baril habang hinoholdap.
Cash at wallet ang narekober mula sa suspek at bigo namang mabawi ang iPhone na natangay sa biktima na nagkakahalaga ng P30,000.
Sinabi ng suspek na may kasama siyang alyas “Jamil” sa panghoholdap sa biktima.
Ang suspek ay mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunitions Regulation Act) at Article 294 ng Revised Penal Code o robbery (hold-up).
- Latest