Pugante na may rape at carnapping cases, nalambat
KIDAPAWAN CITY, Philippines — Muling naaresto nitong gabi ng Huwebes dito sa lungsod ang isang wanted sa mga kasong panggagahasa at mga serye ng carnapping na nakatakas nitong nakalipas na taon sa detention facility ng pulisya sa Makilala, Cotabato.
Sa ulat nitong Biyernes ni Brig. Gen. Jimili Macaraeg, director ng Police Regional Office-12, mismong mga kakilala ng suspect na si Bryan Louie Jayon Sanoy, 33-anyos, ang nagsuplong sa pulisya hinggil sa kanyang presensya nitong Huwebes ng gabi sa Apo Sandawa area dito sa lungsod upang dalawin ang kanyang pamilya sa naturang lugar kaya maagap siyang naaresto.
Si Sanoy na may mga kasong panggagahasa sa Regional Trial Court Branch 23 dito sa Kidapawan City at mga pagnanakaw ng mga sasakyan sa RTC Branch 53 sa Davao City, ay una nang nakulong sa isang police detention facility sa hindi kalayuang bayan ng Makilala sa Cotabato nitong nakalipas na taon ngunit nakatakas at nagpalipat-lipat ng taguan.
Ayon kay Macaraeg, walang piyansang inirekomenda ang korte sa mga kasong panggagahasa ni Sanoy sa isang korte dito habang P600,000 naman ang piyansa para sa kanyang mga kasong carnapping sa Davao City.
- Latest