Chinese na sangkot sa kidnapping, droga arestado
MANILA, Philippines — Nauwi sa matinding komosyon ang isinasagawang follow-up operation ng Pasay City Police Station sa kidnapping case nang masabat ang isang itinuturing na high profile Chinese national sa Pasay City, kamakalawa ng hapon.
Inaresto ang suspek na si alyas Wong, na may track record ng criminal activities at hinihinalang nagsusuplay ng iligal na droga sa ilang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) establishments sa nasabing lungsod. Siya rin ay isa sa suspek sa naganap na kidnapping noong Nobyembre 26, 2023.
Nabatid na nagsasagawa ng follow-up investigation ang Pasay police alas-4:15 ng hapon kamakalawa nang mamataan ang suspek sa isang gasoline station sa Macapagal Boulevard.
Sa pagtakas ay nabangga ng minamanehong Hyundai Sedan (NCM 5039) ng suspek ang pintuan ng sasakyan ng mga pulis na humarang sa kaniya.
Nang arestuhin ay nakuhanan pa ng isang plastic sachet ng shabu; tatlong tableta ng red ecstasy; at isa pang plastic na naglalaman ng dinurog na red ecstasy; sky blue tablets ecstasy na nasa isa pang plastic sachet; plastic pipes at improvised platic pipes na drug paraphernalias.
Kabilang sa reklamong ihahain laban sa suspek ang Assault Upon an Agent of a Person in Authority, Attempted Homicide, Reckless Imprudence resulting in Damage to Government Property, at paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
- Latest