6 pulis-Navotas ‘no-show’ sa preliminary investigation
Sa insidente ng ‘mistaken identity’
MANILA, Philippines — Bigong humarap sa piskalya ang anim na pulis ng Navotas City na sangkot sa pagpatay kay Jerhode ‘Jemboy’ Baltazar na biktima ng ‘mistaken identity’.
Nabatid na tanging ang mga abogado lamang nina P/Executive Master Sergeant Roberto Balais, P/Staff Sergeant Gerry Maliban, P/Staff Sergeant Antonio Bugayong, P/Staff Sergeant Nikko Esquilon, P/ Corporal Eduard Blanco at Pat. Benedict Mangada, ang nagtungo sa prosecutors office sa unang preliminary investigation.
Nahaharap ang anim na pulis sa kasong reckless imprudence resulting in homicide.
Ngunit ayon kay Atty. Ansheline Bacudio, abogado ng pamilya Baltazar na ilalaban nila na maitaas sa murder ang kaso laban sa anim na pulis.
Handa naman ang saksing si ‘Tony’ na ilahad sa piskalya ang tunay na nangyari sa police operation hanggang sa mapatay si Baltazar.
Matatandaan na noong Agosto 2 ay napatay si Baltazar habang naghahanda na sanang mangisda nang pagbabarilin ng mga pulis sa Barangay NBBS Kaunlaran makaraang mapagkamalang suspek na tinutugis nila sa isang follow-up operation.
Kahapon ay hinatid na sa kanyang huling hantungan si Baltazar sa La Loma Cemetery sa Caloocan City.
Suot ng pamilya at kaibigan ni Baltazar ang puting T-shirt na may pahayag na “Justice for Jemboy”
Samantala, sinabi naman ni PNP Spokesperson PCol. Jean Fajardo na hindi lisensya para sa mga pulis na barilin si Jemboy Baltazar kahit ito pa ay sangkot sa anumang krimen.
Reaksiyon ito ni Fajardo sa ilang alegasyon na binalak umano ng grupo ni Baltazar na holdapin ang kanilang kapitbahay at pagiging jumper boys o mga umaakyat sa mga truck na may kargang kalakal sa North Bay Boulevard malapit sa pier.
- Latest