Murder case vs Bantag, Zulueta inilagay sa archive ng korte
MANILA, Philippines — Inilagay sa ‘archive’ ng Muntinlupa Regional Trial Court (RTC) Branch 206 ang kasong murder na isinampa laban kay dating Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag at sa kanyang dating deputy na si Ricardo Zulueta, habang hinihintay pang maaresto ang mga ito kaugnay sa pagkamatay ng isang preso sa loob ng National Bilibid Prison (NBP).
Batay ito sa 7-pahinang kautusan ng korte kaugnay sa pagpatay kay Jun Villamor, ang sinasabing middleman sa pagpaslang naman sa broadcaster na si Percy Lapid, na sasailalim sa revival.
Sina Bantag at Zulueta ay hindi pa nadadakip sa kabila ng warrant of arrest na inisyu laban sa mga ito.
Magugunitang nag-alok ang Department of Justice (DOJ) ng P2 milyong cash reward sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa pagkakadakip ni Bantag, habang P1-milyon naman kay Zulueta.
Sa panig naman ng DOJ, sinabi ni Justice officer-in-charge Raul Vasquez na ang pag-archive ng kaso ay bahagi lamang ng proseso.
“Kasi kung ang isang akusado po ay wala sa jurisdiction ng korte, hindi po puwedeng tumakbo ang prosekusyon, ang trial. Ang first crucial act is the fact that the accused, the person of the accused is subjected within the jurisdiction of the trial court,” ani Vasquez sa isang media briefing.
Sinabi ni Vasquez na ang hindi pag-archive ng kaso ay maaaring magdulot ng mga problemang administratibo sa mga docket ng korte.
- Latest