Commando gang member pinagbabaril habang brownout
MANILA, Philippines — Bulagta ang isang miyembro ng Commando Gang makaraang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin habang kasagsagan ng brownout sa may Parola, Tondo sa Maynila kahapon ng madaling araw.
Nakilala ang nasawi na si Raymart Ferrer, alyas “Dode”, 25-taong gulang, binata, walang trabaho at nakatira sa Gate 12 Parola. Brgy. 20 Tondo.
Sa ulat ng Manila Police District- Delpan Police Station 12, naganap ang pamamaril dakong alas-2:30 ng madaling araw sa may Gate 13 ng Parola Compound.
Nabatid na may kausap sa telepono ang biktima at nakipagkasundo na makikipagkita sa nabanggit na lugar.
Nang naturang oras, nagkaroon naman ng brownout sa Parola hanggang sa makarinig ng magkasunod na putok ng baril ang mga residente. Nang bumalik ang kuryente, tumambad ang wala nang buhay na si Ferrer.
May hinala ang pulisya na transaksyon sa ilegal na droga ang motibo sa pagpatay.
Nabatid na nakulong noong Mayo 2021 si Ferrer dahil sa kaso sa ilegal na droga ngunit nakapagpiyansa. Muli siyang naaresto noong Oktubre 2021 sa kaso rin sa ilegal na droga at nakalabas ng bilangguan makaraang pumasok sa isang “plea bargaining”.
Blangko pa ang pulisya sa pagkakakilanlan sa suspek na pumaslang sa biktima lalo na at tikom ang bibig ng mga residente.
- Latest