Caloocan Police tatanggap ng 10 mobile patrol
MANILA, Philippines — Upang mas maging epektibo at mabilis ang pagresponde, inihayag ni Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan na maglalaan siya ng 10 bagong mobile patrols sa Caloocan City Police.
Sinabi ito ni Malapitan sa isinagawang regular Peace and Order Council (POC) meeting kasama ang mga miyembro ng konseho.
Ayon kay Malapitan, bagamat mababa ang crime index ng lungsod hindi pa rin dapat na magpakampante laban sa operasyon ng mga criminal groups.
Pinuri rin ni Malapitan ang ginagawang pamamahagi ng ‘baon’ ng mga pulis na indikasyon na nanaig sa mga ito ang pagtulong sa mga estudyante.
Tinagurian na ang mga ito ng “pastors in the city”
“Talagang maasahan ang ating kapulisan, bumaba ang crime index ng 5.49% sa ating lungsod at arestado ang 830 na mga wanted na indibidwal. Bukod dito ikinatutuwa rin natin ang inyong inisyatibong tumulong sa mga bata na inirekomenda ng mga pastor, sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng pambaon sa eskuwela,” ani Malapitan.
Ani Malapitan, layon nilang maramdaman ng komunidad ang pagsusumikap at pagmamalasakit ng city government at mga pulis upang maibigay ang karapat dapat na seguridad
Tiniyak naman ni CCPS Chief Of Police PCol Ruben Lacuesta na hindi nila bibiguin ang alkalde lalo na ang publiko kasabay ng pasasalamat sa lahat ng suporta nito sa kapulisan.
“Sa lahat ng bumubuo ng ating Peace and Order Council, gawin po natin ang lahat ng ating makakaya upang mas maging ligtas at payapa ang ating siyudad. Ang ating pamahalaang lungsod ay parating nakahandang gumawa ng paraan upang mapunan ang inyong mga pangangailangan upang patuloy na maitaas ang kalidad ng ating serbisyo para sa ating mga mamamayan,” dagdag pa ng alkalde.
- Latest